Ang Alternative Leaning System o ALS ay alternatibong pamamaraan ng Departamento ng Edukasyon upang matulungan na makapagtapos ng pag aaral ang mga kabataan at matatanda na hindi pa nakapagtapos ng Basic Education. Ito ay tugon din sa RA 9155 EFA Goal 2015 na dapat ang lahat ay nakapag-aral at marunong nang magbasa, umintindi ng binabasa, magsulat at magkompyut. Tinatanggap ang mag-aaral sa ALS sa elementarya kung ang edad niya ay labing-isa pataas at labinlimang taon pataas sa sekondarya ngunit, ikinukonsidera rin ang resulta ng kanilang Functional Literacy Test. FLT kung saan ginagamit ito sa assessment ng kanilang letiracy level. Ang level o kategorya ay Basic Literacy (BL), Lower Elementary, Advance Elementary at Secondary Level. Ang ibig sabihin, kung ang resulta ng FLT mo ay mababa o natuon sa lower elementary o basic literacy ilalagay ka sa isang grupo at bibigyan ka ng interbensyon na angkop sa inyong pangangailangan na mapag-aralan (learning needs).
Pagkatapos ng sampung buwan na learning intervention ang mag-aaral ay maari ng mairekomenda ng kanyang instructional manager na makakuha ng Accreditation and Equivalency kung nagpapakita na siya ay talagang handa na sa pamamagitan ng portfolio assessment at panibagong FLT result at talagang marunong na siyang magpalabas at makapag-organisa ng kanyang ideya sa pamamagitan ng pagbuo ng iba’t ibang topiko ng komposisyon.
Ang nasabing eksaminasyon na ito ay taunang ibinibigay ng Bureau of the Alternative Learning System na kung maipasa nila ito, sila ay ikonsidera na nakapagtapos na ng kurikulum sa elementary o sekondarya man sa pamamagitan ng pagbigay sa kanilang ng diploma na nilagdaan mismo ng nakaupong kalihim ng Departamento ng Edukasyon. Maaari na nilang gamitin ito para makapag-enrol sa kolehiyo, maka-training sa TESDA o pagkuha ng mga bokasyunal na kurso. Pwede rin itong gamitin sa pag-apply ng trabaho na ang kwalipikasyon ay dapat nakapagtapos ng Basic Education. Dahil sa programang ito, marami ang nabigyan ng pag-asa at maraming buhay ang nagbago. Kung sila noon ay hikahos sa buhay o sadlak sa kahirapan, ngayon ay mas maganda at magaan na silang pananaw sa buhay dahil may ibinibigay sa espesyal na prebelihiyo ang gobyerno at iba pang pamantasan para sa mga nakapagtapos ng pag-aaral sa ALS.
Maraming pamantasan ang tumatanggap sa mga ALS passer para maging iskolar o grantee at may ibinibigay din ang TESDA na mga kursong bokasyunal na bukas para sa lahat na gusting makapagtrabaho mapalokal man o internasyonal.
Ngayon taon, sa FSPNHS ay may apatnapu’t tatlong mag-aaral sa ALS na nakapagtapos ng sekondarya dahil sa kanilang pagsusumikap na matuto at maging handa sa pagkuha ng A and E Examination.
Sa kabila ng hirap at pagsubok na kanilang hinarap, hindi pa rin sila sumuko at buong tapang nilang iginapang ang sarili makamit lang ang minimithing tagumpay na makapagtapos at maipasa ang eksaminasyon.
Sa ngayon ang marami sa kanila ay nag-aaral na sa kolehiyo, ang iba ay nagtraining o kumuha ng vocational courses sa TESDA at TIIC at ang iba naman ay nagtrabaho bilang call center agent.
Ayon sa testimonya ng mga estudyante sa ALS sa ilang buwang pag-aaral nila ay marami na silang natutunan mula sa modyul at sa kanilang mga literacy facilitators at hindi lang basic skills, ngunit sa lahat ng aspeto na siyang sandata upang malampasan ang mga pagsubok sa buhay.
Marami rin ang kanilang natutunan tungkol sa Diyos at mas naging malalim ang kanilang pagkilala at relasyon sa ating Poong Maykapal dahil ipinapasok sa pagtuturo ang salita ng Diyos dahil naniniwala ang tagapagturo na ang talagang makapagbabago sa buhay ng tao ay salita ng Diyos.